Karaniwang minana lamang natin sa ating mga magulang ang ating pananampalataya. Tunay nga ito ay isang malaking biyaya. Ibinabahagi nila ang pananampalatayang batid nilang makabubuti para sa atin. Gayun pa man, hinahamon tayo ng Panginoong Jesus na angkinin ang pananampalatayang ito. Hindi tayo maaaring mapako sa isang hiram na pananampalataya. Kailangang tumugon tayo sa hamon ni Jesus na harapin ang krus sa ating buhay. Sa pamamagitan ng katapatan at ganap na pakikiisa sa mga pagpapakasakit ni Jesus, mapapatunayan nating tayo nga ay tunay niyang mga alagad.
Ngunit batid nating mahirap maging disipulo ni Kristo. Mahirap magparaya ng mga makasariling kagustuhan upang bigyang daan ang kanyang kalooban. Mahirap limutin ang pansariling pangarap upang mabigyang kaganapan ang mga pangarap niya sa atin. Subalit tanging ang Diyos lamang ang higit na nakababatid ng kung ano ang tunay na makabubuti sa atin kaya’t sa huli ay isang pagpapala ang maging isang disipulo ng Jesu-Kristo.
Kinakailangan ng pagsusuko ng buong sarili sa Diyos na sa dakong huli ay tanging siya lamang ang mayroon ka. Subalit batid ng Diyos na hindi madali ang hinihingi niya sa kanyyang mga tagasunod kung kaya’t labis-labis din ang lakas at biyaya na tinatanggap ng bawat isang sumusunod sa kanya. Lakas at biyaya na magiging sandata at kapangyarihan sa kanilang pagkakasugo.
Walang dapat ipangamba ang mga tinawag ng Diyos. Alam niya ang ating pangangailangan. Alam niyang sa tulong at awa niya ang lahat ay mapangyayari. Alam niya ang mga biyayang mayroon na tayo at ang mga ito ay patuloy niyang pinagyayaman.
Larawan ng isang tagasunod ni Kristo ang magpasan ng krus. Ang dati’y simbolo ng isang nakakahiyang kamatayan ng isang makasalanan. Subalit nang mamatay si Jesus sa krus, ang dating simbolo ng kahinaan ay naging simbolo ng kapangyarihan. Ang dating simbolo ng pagkatalo ay naging simbolo ng tagumpay. Ang dating simbolo ng kasalana ay naging simbolo ng kaligtasan at kabanalan. Ito ang katangi-tanging lakas ng krus nang lapatan ni Jesus ng pag-ibig ang kanyang kinamatayan. Ibinabahagi ni Jesus sa kanyang mga tagasunod ang dakilang gawaing magligtas at magpabanal.
Ang sinu mang magpasan ng krus ay magbabata ng hirap at sakit. Subalit sa kabila nito ay binabata rin niya ang kapangyarihan ng pag-ibig at tagumpay, kaligtasan at kabanalan. Ang krus na ito ay maghahatid sa atin patungong langit, sapagkat bago muling mabuhay ang tao sa kalangitan, kinakailangan niyang mamatay ng nagmamahal at nagpapakabanal at yaon ay nagaganap lamang sa krus ni Jesus. Ibinabahagi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang gawaing umibig kahit nasasaktan. Ang pagsunod kay Jesu-Kristo ang magpapadalisay sa ating pagkatao at maghahatid sa atin sa tunay na kabanalan, kaya’t sa huli ay isang pagpapala ang maging isang disipolo ni Jesu-kristo.
Wika ni Jesus, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin ang kanyang sarili, pasanin ang krus at sumunod sa akin.” (Mc 8:34) Isang hirap na puno ng pagpapala ang sumusunod kay Jesu-Kristo.
Start Slide Show with PicLens Lite

You made some good points there. I did a search on the topic and found most people will agree with your blog.
I would like to exchange links with your site oewfministry.org
Is this possible?